Panulak

Araw araw akong pinalulunok

Ng kung anu-ano galing sa

Kung sinu-sino.

Hindi ko na matandaan ang lasa

Ng sarili kong laway.

Puno parati ang bibig,

Hagod lang ng hagod

Subo lang ng subo

Hanggang sa tumulo na ang sarili kong laway

Sa sobrang pagkakapuno.

 

Punong-puno na pala ako

 

Pero lunok parin ako ng lunok.

Tanggap parin ng tanggap

Kahit sabaw na.

Minsan, sa pagkakaapaw,

Naiisip ko kung ano nga ba ulit

Ang pakiramdam

Ng kawalan at ng langit

Sa tuwing lumuluhod ako

At tumitingala

Sa kawalan at sa langit.

May lugar pa ba ng kapahingahan

Para sa aking mga labi?

 

Hindi ko alam.

 

A/N: Nakita ko ang tulang ito habang naglilinis ako ng kwarto ko. Isinulat ko ito noong nakaraang taon- noong pagod na pagod na ako sa pagtuturo. Di ko rin alam kung bakit hanggang ngayon ay nagtuturo parin ako.

 

Siguro dahil may increase na. 🙂

Advertisements

Alam ko sa Sarili ko na Hindi na Kita Ma-

Mahirap sabihin.
Parang banyagang salita na hindi ko kayang bigkasin.
Matigas sa dila. Mapait sa panlasa.
Parang sukang idinuwal ko, pero alam kong hindi akin.
Sa totoo lang, Iniiwasan ko talaga itong pag-usapan
Natin
Hindi dahil sa hindi ko alam ang depinisyon nito
Pero dahil siguro sa pangamba
Na baka hindi ko kayang matumbasan
Ang bigat
At ang lalim
Ng bawat kataga.