Oktubre 26: Para kay J.

A/N: Isinulat ko ang sanaysay na ito bilang isang requirement sa isang elective noong nasa kolehiyo pa ako. Sa totoo lang, di ko alam kung gaano katagal ba talaga ako nahumaling kay X (X MARKs the spot). Kung sisimulan ang pagbilang mula sa petsa na nangyari ito hanggang sa araw na napagtanto kong wala na talaga akong feelings, siguro mga apat na taon. Kung isasama pati yung kabaliwan ko noong hayskul, mga anim na taon siguro. Medyo malaki ang ginampanang role ni X sa buhay ko- kahit di naman talaga niya alam at di siya directly involved. Kung di dahil sa kanya, di ko siguro matutunan na alagaan ang sarili ko o di kaya, mag-ayos paminsan minsan. Siguro gragraduate ako ng cum laude kung di ako parating nagcucutting para lang tumambay sa lugawan sa PUP (di, joke lang yung cum laude). Pero walang biro, kay X ko natutunan kung ano nga ba ang pakiramdam na mawalan ng self-confidence AT kung paano hanapin at buuin ito muli. Walang Hannah Riesa kung wala si X (dahil ewan ko ba pero siya lang yung tumatawag sa akin ng Hannah Riesa), at di siguro mababaliw ang mga kaibigan ko sa pagdidissect sa MPD ko. All in all, nandito ang sanaysay na ito ngayon bilang isang pag-alala sa isang “pag-ibig”/obsesyon/crush/kunganopaman na tumambay sa puso ko ng napakatagal. Syempre ngayon, confident na ako na wala na talaga akong nararamdaman para sa kanya, pero di parin maaalis na malaki ang ginampanan niya sa paghubog kung sino ba ako ngayon.

  —

Ngayon lang ulit ako nakadaan sa Brookside- isang subdivision sa may bandang Tikling. Wala pa ring nagbabago: Nakakatakot pa rin ang tawiran papunta roon at nakakasilaw pa rin ang neon signages ng samu’t-saring pangalang nagsulputan sa highway. Katulad na katulad pa rin ito sa lugar na pinuntahan ko dalawang taon na ang nakakalipas.

Di ko naman kasi sinasadyang madaan doon. Nagkataon lang na nakatulog ako sa biyahe at lumagpas ako sa dapat kong babaan- ang Junction. Mula Junction, dapat sasakay na lang ako ng jeep na lilikong kanan patungo sa aming subdivision. Mas praktikal kasi yung ganoong routa. Hindi lang sa mas mura ang pamasahe, mas banayad din ang takbo ng mga sasakyang lumiliko pakanan ng Junction. Kapag dinire-diretso na kasi ang daan patungong Tikling, bumibilis ang takbo ng mga sasakyan- tila ba nakikipag-unahan patungong finish line. Ayoko ng ganoon. Kung gaano kasi kabilis ang takbo ng sasakyan ay ganoon din kaalanganin ang paraan ng pagbababa sa akin.

Bukod doon, di ko talaga trip yung mga neon signages na nakabalandra sa highway. Masyadong mainit sa mata- nakakabulag na kung minsan. Lalo na kapag madilim na ang daan, litaw na litaw yung mga nagtitingkarang pangalan ng mga politiko at korporasyong puro lang naman pangako. Tila ba mga kumukutitap na paalala sa mga pagkakamaling nagawa noong nakaraang eleksyon.

Ganoon na ganoon pa rin talaga ang Brookside katulad ng gabing pinagpasyahan kong dumirediretso sa Tikling dalawang taon na ang nakakalipas. Dapat kasi, mula sa Junction, lumiko nalang sana ulit ako ng pakanan, papunta sa bahay ng kaibigan ko para maki-overnight. Sa halip, sumakay ako ng jeep na padiretso, patungong Brookside. Patungo sa overnight ng dati kong mga kaklase na sa totoo lang, ay wala naman talaga akong pakialam.

Isa lang naman ang layunin ko noon: Ang makita si X. Miss ko na kasi siya. Hayskul palang, importante na talaga siya sa akin. Nagsimula kami bilang mortal na magkaaway. Tipong susulatan niya ng pentel pen yung mga uniporme ko tapos hahabulin ko siya hawak-hawak yung sapatos ko bilang pamalo. Medyo nasanay ako sa set-up naming ganoon hanggang sa magka-girlfriend sya. Kinalaunan noong grumadweyt na kami (at nalaman ko nang break na sila), naging magka-chatmates naman kami sa fb. Pero wala nang asaran. Kinabog talaga ako sa ganoong pagbabago. Parang hindi siya. Pero nagustuhan ko. Sasabihin ko na sana na nagugustuhan ko na yung nangyayari sa amin kaso nga lang, bigla nalang tumigil ang chat. Biglang naging wala. Naging sabaw. Wala na tuloy akong nasabi at di ko na tuloy alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Para siyang isang telenovela na matagal ko nang sinubaybayan tapos bigla nalang naglaho sa primetime.

Kaya, noong narinig ko na magkakaroon daw ng hayskul reunion ang klase namin, ay talaga namang pinaghandaan ko ito. Sumakto pa na magkakaroon ng overnight sa bahay ng isa kong malapit na kaibigan kaya perpekto talaga ang alibi ko noong gabing iyon.

Ang totoo niyan, wala naman talagang kasiguraduhan kung darating si X sa reunion. Nagbakasakali lang naman ako. Sumugal kung may mapapala ba ako sa gabing iyon o pinahamak ko lang ang sarili ko sa nanay ko. Nagkataon lang talaga na tsumempo: Dumating siya bandang mag-aalas nuwebe na ng gabi. Naka-itim na T-shirt at cargo shorts na di naman bagay sa kanya. Syempre, kunyare parang wala lang sa akin.

“So…kamusta ka na?” Tanong ko.
“Stressed.” sabi niya
“San ka na nag-aaral ngayon?” Kunyare, wala parin akong alam. O di kaya’y paki-alam.
“PUP- Computer Engineering.”
“Ah…” Tatanungin ko sana kung nagkikita pa sila ng recent-crush-niya-turned-out-to-be-closefriend-ko-pala pero inunahan na niya ako ng sagot,
“Di ko na nakikita si Pau eh.”
“Ah.”

Iyon lang siguro yung pinakamahabang pag-uusap namin noong gabing iyon. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang nangyare. Ang plano ko naman dapat talaga ay gigisahin ko siya ng mga tanong: Bakit ngayon ka lang ulit nagpakita? Bakit di ka na nagparamdam kung parati naman tayong nagkakaabot na mag-online? Bakit bigla-bigla ka nalang nawala at di namansin? Pero ang lahat ng iyon ay nilunod ko nalang sa kakainom ng tubig. Wala na siguro akong magagawa sa pagkamahiyain ko. At di ko rin siguro kakayanin na mapahiya sa harap ng dati kong mga kaklase. Total ganoon, naisip ko na rin na wala na palang kwentang manatili sa reunion kaya sinabi ko na na aalis na ako.

“Teka, sabay na ako.” Sabi niya. “Para naman may bodyguard akong chicks.”

Ala-una na ng umaga. Naglalakad kami sa kahabaan ng Brookside. Tanaw at ramdam sa highway ang tulin at dagundong ng mga trailer truck. Kumukutikutitap ang hugis-pusong neon sign ni Nini Ynares. Napatigil ako.

“Saan ka na ngayon?” Tanong niya.

Naisip kong sumakay nalang ng jeep pabalik sa Junction. Tatawid, tapos sasakay ulit ng isang jeep na lilikong pakanan patungo sa aming subdivision. Di na baleng mag-isa. Mas gugustuhin ko pa iyon kesa sa tumawid sa highway na wala namang kasiguraduhan kung makakalagpas ka ng buhay…

“Tatawid ako.” Yun ang lumabas sa aking bibig. Sabay naming binagtas ang mapanganib na highway.

Dalawang taon na ang nakalipas bago ulit akong napadaan sa Brookside. Mag-isa. Hanggang ngayon, di ko parin alam kung ano talaga ang nagtulak sa akin kung bakit pinili kong tumawid sa nakakatakot na daanan na iyon. Dahil ba ginusto kong patagalin pa ang oras na kasama ko siya? O dahil sinubukan ko lang talaga ang aking sarili kung kaya kong makipagsabayan sa bilis at dagundong ng mga bagay-bagay na di ko naman nakasanayan? Hanggang sa ngayon, mas pinipili ko nalang na bumaba sa Junction at sumakay ng jeep na liliko pakanan. Pero sa aksidenteng pagkakataong iyon na napadaan ako sa Brookside, di ko maiwasang tumigil at pagmasdan ang kumukurap-kurap na signage ni Nini Ynares na tila ba naghihingalo- di malaman kung mamamatay na ba ito o magpapatuloy sa pagkukutitap.